Pages

Friday, October 30, 2009

Ang Batang Agila (The Eaglette)

by: Stephen Buslon

May isang sisiw na agila. Maliit, mahina, at walang kakayahang mabuhay mag-isa. Siya ay isinilang sa isang mundong mapanganib. Ngunit sa tulong ng kanyang magulang at ng mga agilang mas matanda sa kanya, siya ay natuto ng maraming bagay. Sapagkat siya ay isang sisiw pa lang, hindi siya marunong kumuha ng kanyang sariling pagkain kaya ito ay binibigay sa kanya ng kanyang mga magulang.


Hindi rin siya marunong tumayo sa kanyang sariling mga paa, kaya siya ay nasa kanyang pugad lang maghapon. Higit sa lahat, hindi siya marunong lumipad na gaya ng mga matatandang agila. Nais niya rin sanang maabot ang tayog ng himpapawid at matanaw ang kagandahan ng daigdig. Nais niyang madama ang lamig ng hanging dadampi sa kanyang mga pakpak. Pero sa ngayon, isa pa lamang siyang sisiw. May nakilala siyang isang kuyang agila na nakatira malapit sa kanyang pugad. Ito’y masungit at seryoso sa kanyang mga ginagawa. Pero bilang kuya, may kagustuhan siyang magturo sa mga mas nakababatang agila kung paano lumipad. Ngunit, siya ay strikto at hindi pumapayag sa mga palusot ng mga batang agila. “Kung nais mong maabot ang langit, kailangang kang magsimula ngayon kahit sisiw ka pa lang!” Yan ang palaging sinasagot ni kuya sa kanyang mga istudyante.

Sa tuwing ang mga magulang ng batang sisiw ay aalis upang maghanap ng makakain kasama ang ibang mga agila, kanilang hinahabilin ang kanilang sisiw kay kuya. Sapagkat alam nila na siya ay responsable at maraming maaaring maituro sa kanilang sisiw. Isang araw, sinimulan ni kuya ang pagtuturo sa sisiw. Tinuruan nya muna ito kung paano tumayo sa sariling paa, na hindi kumakapit sa mga dahon ng puno. Tinuruan niya rin ito kung paano lumipad. Sa simula ay pinapakita muna ni kuya sa kanya ito; kung paano ibubuka ang pakpak, kung paano gagamitin ang hangin para manatili sa ere, at kung paanong lumapag ng hindi sumisemplang. Matapos ipakita ito sa sisiw ng ilang beses, kanya ng hinikayat ang sisiw na subukang lumipad. “Ayaw ko kuya, natatakot ako”, sabi ng sisiw. “Wala kang mararating kung lahat ng bagay ay pangungunahan mo ng takot,” sagot ni kuya. “Palagi ka lang magtiwala sa iyong sarili na kaya mong gawin ang lahat ng bagay ng maayos. At higit sa lahat, hindi mo kailangang matakot dahil nandito ako para bantayan ka sa lahat ng oras. Walang mangyayari sayong masama hangga’t nandito ako bilang guro mo,” dagdag nito. Dahil sa sinabi ng kuyang agila sa kanya, nagkaroon siya ng lakas ng loob ng lumipad noong araw na iyon. At hindi nagtagal ay natuto rin siyang lumipad.

Sunod na itinuro sa kanya ng kanyang gurong kuya ay kung paano ang manghuli ng kanyang makakain. Sinubukan muna niyang manghuli ng isang kuneho na tumatalon talon sa damuhan sa gilid ng bundok. Nang hindi niya ito mahuli sa kabila ng pagsunod sa mga bilin ng kanyang kuya, kanya itong muling nilapitan. “Kuya bakit hindi ko mahuli ang kuneho? Sinunod ko naman yung mga sinabi mo ah?”, tanong ng batang agila. “Walang problema sa mga paraan ng iyong paghuli sapagkat nakikita ko namang ginagawa mo lahat ng pinagawa ko sayo. Ang tanging problema lang ay kung ano ang hinuhuli mo!”, tugon ng kuyang agila. “Ilang araw pa lang ang nakakalipas ng matutunan mong maglakad at lumipad, tama? Ngayon na nag-aaral ka na manghuli ng makakain mo, ay kaagad mong sinunggaban ang isang kuneho. Marahil ay nais mong magpasikat sa akin, o marahil ay nais mong makakain ng marami kaagad. Pero wala kang mararating kung lahat ng bagay ay iyong mamadaliin! Manghuli ka muna ng bubwit!”, dagdag ng gurong agila.

Dumating ang maraming araw, mas marami pang natutunan ang batang agila sa kanyang kuya. Mula sa paggawa ng sariling pugad, pagtukoy kung ang isang hayop ay maaaring kainin o hindi, pag alam ng panahon at iba pa. Pati pagpili ng babaeng maaaring mapangasawa, sa tamang edad ng pag-aasawa, at ano ang mga dapat paghandaan sa pag-aasawa. Marami nga talagang natutunan ang batang agila sa kanyang gurong kuya. Sila ay palaging nakikitang magkasama; sa paghahanap ng pagkain man o kahit as paglipad lang sa alapaap.

Dumating ang panahon na ang gurong agila, ang kuya ng batang agila, ang nagturo sa kanya ng lahat ng nalalaman niya ngayon, ay nagkasakit. Isang sakit na mahirap gamutin at tanging kamatayan ang kahihinatnan. Wala na siyang panahon na magturo pa sa batang agila. Wala na siyang panahon na samahan ito na manghuli ng makakain at lumipad sa ibabaw ng mga ulap. Sa takot na maaaring nakakahawa ang sakit ng kuya niya, hindi niya ito makuhang dalawin sa kanyang pugad. At sa mga panahong malakas ito at kayang manghuli ng makakain, sinusubukan ng kuyang agila na magkaroon silang muli ng oras na lumipad magkasama, silang dalawa ng batang agila. Ngunit di na gaya ng dati ang pagmamahal ng batang agila sa kanyang kuya, natatakot siyang makantsawan ng ibang agila sa tuwing sila ay magsasama. Makantsawan na baka magkaroon din siya ng sakit na gaya ng sakit ng kanyang kuya. At sa tuwing sila ay nagkikita sa alapaap, pilit na sinusubok ng kuya na lumipad sa tabi ng kanyang mahal na istudyante at makausap man lang saglit. Ngunit ang kanyang istudyante ang patuloy na lumilipad palayo.

Di naglaon, namatay ang kuyang agila. Nabalitaan na lamang ito ng batang agila mula sa ibang agila. Ang sabi nila nakita nila ito noong gabi bago ito pumanaw na hinang hina na at umiiyak at para bang may sinasambit. Isa sa kanila ay nagsabi na para bang narinig niya na tinatawag niya ang pangalan ng batang agila. Pinuntahan ng batang agila ang pugad na iniwan ng kanyang kuya. Isa sa mga nakakatandang agila ang nagsabi, “Nakakaawang agila. Sa huling hininga niya ay hinahanap niya ang kanyang mahal na kaibigan. Ang tangi niyang kaibigan. Ang kanyang matalik na kaibigan. Pero sa huling hininga nito ay di man lang dinalaw o dalhan man lang ng nabubulok na bubwit. Kung sakali man na kilala mo yung kaibigan na tinutukoy niya, paki sabi mo naman sa kanya na sa huling hininga nito, siya ang nasa isip niya.”

Ngayon ang batang agila ay di na sisiw. Isa na siyang malakas at matalinong agila. Sa tulong ng kanyang kuya, natutunan niya ang maraming bagay. Ngunit isa ang kanyang di makakaila, sa haba ng panahon na sila ay magkasama, di man lang niya ito napasalamatan, kahit kailan. Hanggang sa ang kanyang gurong kuya ay namatay na lang.


No comments:

Post a Comment

Stay Connected With Free Updates

Subscribe via Email